Matitikas na paddlers bakbakan na sa ICF World Championships
MANILA, Philippines — Masisilayan na ngayong araw ang bakbakan ng mahuhusay na paddlers mula sa 27 bansang sasalang sa ICF Dragon Boat World Championships na idaraos sa Puerto Princesa Baywalk sa Palawan.
Nangunguna ang Team Philippines na may ipaparadang 200 entries sa naturang torneo habang ikalawa naman ang India na nagpadala ng 140 entries.
Masaya si Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation president Leonora “Lenlen” Escollante sa kumpirmasyon ng mga foreign teams.
May mahigit 2,000 paddlers mula sa 27 bansa ang lalahok sa edisyong ito ng World Championships.
Dadalo sa opening rites si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kasama ang ilang mga opisyales para saksihan ang salpukan ng mahuhusay na paddlers sa mundo.
Matatandaang idineklara ni Marcos na ang centennial anniversary ng International Canoe Federation ay magiging “Moving Forward Paddling Week Philippines” na nasa Proclamation No. 699.
Kasama ring dadalo sina ICF president Thomas Konietzko ng Germany at ang buong board ng Philippine Sports Commission sa pangunguna nina chairman Richard Bachmann, at commissioners Edward Hayco, Matthew “Fritz” Gaston, Olivia “Bong” Coo at Walter Torres.
- Latest