2-0 lead inangkin ng Tropang Giga
MANILA, Philippines — Rumatsada ang reigning champion na TNT Tropang Giga sa third quarter upang kaldagin ang Rain or Shine, 108-91, Sa Game Two at itayo ang 2-0 abante sa kanilang best-of-seven semifinal series sa 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nag-akbay sina Calvin Oftana at Rey Nambatac sa 38-21 bulusok ng Tropang Giga pagkatapos ng halftime para tulungan si reigning Best Import Rondae Hollis-Jefferson sa 17-point win.
Mas kumbinsido ito kaysa dikit na 90-81 panalo nila sa Game One.
“If we’re make able to make stops, it really fuels our offense. Iyon ang laging mindset namin and we made defensive adjustments at halftime,” ani coach Chot Reyes.
Kumamada ng 23 points, 8 rebounds at 2 assists si Hollis-Jefferson.
Humakot ng 18 points at 14 rebounds si Oftana, habang ibinuhos ni Nambatac ang 11 sa kanyang 17 markers sa final canto.
Samantala, sinuspinde ng PBA si John Amores ng NorthPort sa kabuuan ng darating na Commissioner’s Cup na walang bayad matapos ang kanyang pagkakasangkot sa barilan sa Laguna nitong nakaraang buwan.
Ipinapaubaya na ng PBA sa mga orotidad at korte ang imbestigasyon at hatol sa naturang kaso ni Amores subalit nilinaw na ang desisyon ay para lamang sa paglabag nito sa Uniform Players Contract (UPC).
Mananatili ang kanyang suspensyon kung sakali mang maibasura ang kanyang kaso. habang mas lalo itong titindi kung mapatunayan ang pagkakasala niya.
Kailangan ni Amores ng counselling at makakuha ng clearance sa mga counsellors na aprubado ng PBA bago makabalik sa liga.
- Latest