Pirates ginantihan ang Knights sa 2nd round
MANILA, Philippines — Binawian ng Lyceum of the Philippines ang Colegio de San Juan de Letran, 91-68, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Pinaganda ng Pirates ang kanilang record sa 5-5 at ibinaba ang baraha ng Knights sa 6-4.
Kumamada si Renz Villegas ng 23 points, habang kumolekta si John Barba ng double-double na 19 points at 11 rebounds sa pagbandera sa Lyceum na natalo sa Letran, 66-78, sa first round.
Nakatulong ang three-day team building para sa tropa ni coach Gilbert Malabanan.
“Doon namin nakuha ulit ‘yung energy namin and na-realize namin na kailangang magpapanalo na kami agad para matupad ‘yung unang goal namin na makapasok sa Final Four,” ani Barba.
Matapos kunin ang 70-61 kalamangan sa pagsasara ng third period ay bumanat pa ang Pirates ng 21 points sa kabuuan ng fourth quarter at nilimitahan ang Knights sa pitong marka.
Pinamunuan ni Deo Cuajao ang Letran sa kanyang 16 points, habang may 11 at 10 markers sina Jimboy Estrada at Pao Javillonar, ayon sa pagkakasunod.
Samantala sa ikalawang laro, bumalikwas ang Emilio Aguinaldo College mula sa isang 24-point deficit para resbakan ang bumubulusok na University of Perpetual Help System DALTA, 78-70.
Kumamada si King Gurtiza ng 21 points para sa 5-5 record ng Generals.
- Latest