Batang Pier, Dyip riot sa huling quarterfinals slot

MANILA, Philippines — Laglagan ang NorthPort at Terrafirma sa knockout game para sa huling ticket sa 2024 PBA Philippine Cup quarterfinals ngayon sa Ninoy Aquino Stadium.

Nakataya sa duwelo sa alas-7:30 ng gabi ang No. 8 seed at pagkakataong makaharap ang reigning champion at twice-to-beat San Miguel Beer matapos manguna sa elimination rounds hawak ang 10-1 kartada.

Nauwi naman sa playoff ang Batang Pier at Dyip matapos magtabla sa 5-6 marka.

Nakapuwersa ng knockout para sa No. 8 seed ang NorthPort matapos ang 115-113 panalo kontra sa Blackwater habang nadiskaril sa diretsong tiket sana ang Terrafirma nang kapusin kontra sa Magnolia, 108-100.

Wagi ang Dyip sa sagupaan nila ng Batang Pier sa elims, 110-108, matapos ang game-winner ni rookie Stephen Holt na siya uli nilang sasandalan upang makaulit at mawakasan na ang walong taong pagka­kagutom sa playoffs.

Makakasama niya sa misyon na iyon buhat nang huling makapasok sa playoffs noong 2016 Go­vernors’ Cup sina Juami Tiongson, Javi Gomez de Liaño, Kemark Cariño at Isaac Go.

Haharang naman sa kanilang daan sina Arvin Tolentino, Zav Lucero, Will Navarro, Joshua Munzon at Cade Flores ng Batang Pier.

Samantala, magbabanggaan sa ibang quarterfinal brackets ang No. 2 Barangay Ginebra kontra No. 7 Magnolia, No. 3 na Meralco laban sa No. 6 na NLEX at No. 4 na Talk ‘N Text kontra sa No. 5 Rain or Shine. 

Show comments