La Salle, UST pag-aagawan ang ‘twice-to-beat’

MANILA, Philippines — Hulaan pa rin kung makakalaro na si reig­ning MVP Angel Canino sa pagsagupa ng De La Salle University sa University of Santo Tomas sa UAAP Season 86 women’s vol­ley­b­all tournament.

Paglalabanan ng de­fending champions La­dy Spikers at Golden Tig­resses ang natitirang ‘twice-to-beat’ incentive, magsisimula ang kanilang paluan ngayong alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Makakakuha ng bonus ang top two teams matapos ang 14-game elimination round at nakuha na ng National University Lady Bulldogs ang isa matapos walisin ang second round at hawakan ang No. 1 seed sa kartang 12-2.

Magkasalo sa No. 2 spot sa team standings ang DLSU at UST na may pa­rehong 11-2 record at mahalaga ang kanilang hu­ling laro sa elims.

Limang larong hindi pumalo para sa Taft-based squad si Canino, kaya uma­asa ang mga fans na ma­kakalaro na siya sa na­pakahalagang laban.

“Maganda naman iyong progress ng recove­ry niya (Canino). So far, nag­te-therapy naman na siya. Hopefully, makabalik talaga siya kung hindi man sa game sa UST, sa semis,” sabi ni Lady Spi­kers’ deputy coach Noel Orcullo.

Si sophomore star She­vana Laput ang pinag­hu­hugutan ng La Salle ng opensa habang hindi nakakalaro si Canino at nagtala ng 20.4 points per game average.

“She’s my batchmate, (Canino). I need to step up for her and do justice for her” ani Laput.

“Personally, I’m playing for the both of us right now. I always say to her, ‘this is also yours,’” dagdag pa ni Laput, nakababa­tang kapatid ni PBA center James Laput ng Magnolia Hotshots.

Samantala, magkakal­dagan sa alas-12 ng tanghali ang mga laglag nang University of the Philippines Lady Maroons at University of the East Lady Warriors.

Show comments