Mangrobang reyna sa duathlon
MANILA, Philippines — Matagumpay na naipagtanggol ni Kim Mangrobang ang kampeonato nito sa women’s duathlon kahapon sa 32nd Southeast Asian Games na ginaganap sa Phnom Pehn, Cambodia.
Nagsumite si Mangrobang ng isang oras, apat na minuto at 25.3 segundo para masiguro ang gintong medalya sa duathlon.
Hindi ininda ni Mangrobang ang tindi ng init.
Bahagyang bumagal si Mangrobang sa 5km run subalit umariba agad ito sa 20km bike leg na naging matikas na pundasyon nito para makuha ang panalo.
Pinatumba ni Mangrobang si Thi Phuong Trinh Nguyen ng Vietnam na nagkasya sa pilak bitbit ang 1:05:13.50 habang pumangatlo naman si Maharani Azhri Wahyuningt ng Indonesia sa 1:06:17.40.
Ito ang ikalawang gintong medalya ni Mangrobang sa duathlon.
Target ni Mangrobang na humirit pa ng karagdagang ginto sa pagsabak nito sa triathlon event na aarangkada ngayong araw.
Nagkasiguro rin si Cebuano Andrew Kim Remolino ng pilak sa men’s aquathlon.
- Latest