Yu out na talaga sa Game 3
MANILA, Philippines — Walang Fran Yu para sa defending champion Colegio de San Juan de Letran sa rubber match nito laban sa College of Saint Benilde sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament best-of-three championship series.
Ito ay matapos ibasura ng NCAA Management Committee (ManCom) ang apela ng Leran sa suspensiyong ipinataw kay Yu.
Naglabas ng statement ang NCAA kung saan iginiit ng liga na walang bagong ebidensiya na inilatag ang pamunuan ng Letran upang patunayan na walang kasalanang nagawa si Yu.
Kaya naman nanindigan ito sa desisyon ng liga na patawan ng suspensiyon ang graduating Letran player.
“There was no new evidence presented by CSJL as required by the NCAA rules to lift the suspension and CSJL did not contest the judgment call of the game officials,” ayon sa statement ng liga.
Matatandaang binigyan ng disqualifying foul si Yu matapos nitong sikuhin si Mark Sangco ng College of Saint Benilde sa Game 2 ng finals noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Dahil dito, na-eject si Yu sa naturang laro.
Awtomatikong binibigyan ng isang larong suspensiyon ang sinumang na-eject sa laban.
Kaya naman hindi masisilayan sa aksyon si Yu sa deciding Game 3 ng serye.
Kailangang kumayod ng husto nina Brent Paraiso, Kurt Reyson at Tommy Olivario para punan ang maiiwang puwesto ni Yu.
Gayunpaman, makababalik na sa paglalaro sina Letran players Kobe Monje at Kyle Tolentino na parehong nag-serve ng isang larong suspensiyon noong Linggo.
- Latest