Katuparan ng pangarap
Taong 2016 nang unang manalo ng PSA Athlete of the Year Award si Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pinoy athlete na nagbigay ng Olympic gold medal sa Pinas.
Bago nangyari iyon, naka-attend siya ng PSA awards para tumanggap ng mas mababang parangal, at sinabi niya sa sarili niya na ‘Gusto ko ring manalo ng PSA Athlete of the Year.”
At nagawa nga niya. Nakatatlo pa nga siya. Pangalawa noong 2019 matapos maka-gold sa Asian Games at pinakahuli nitong nakaraang PSA Awards Night matapos manalo ng gold sa Tokyo Olympics.
“Naalala ko noon, pangarap ko lang dating makapunta dito sa PSA Awards (rites). Little did I know na pangatlo ko na ngayon. Talagang walang imposible, ano?” ani Diaz sa kanyang acceptance speech sa pagbabalik face-to-face ng PSA Awards kamakailan, suot ang kulay gold na gown na angkop na angkop sa kanya.
“Ibig sabihin lang nito ay walang imposible at kaya nating mga Pilipino na manalo ng gold medal sa Olympics. Kung nagawa ko, kaya ng iba pang athletes. Sinimulan kong mangarap hanggang sa ginawan ko ng paraan para matupad ang ambisyon kong makakuha ng gold sa Olympics.”
Madaling sabihin, pero napakahirap gawin dahil maraming sakripisyo si Diaz at kailangan ng kongkretong support system; financially, physically at mentaly.
“Kayang-kaya natin ito at naniniwala ako na marami pang Pilipino ang mananalo sa Olympics.” dagdag ni Diaz na ginawaran din ng Milo Champion of Grit and Glory award.
- Latest