Chris McCullough bilang Gilas naturalized player?
MANILA, Philippines — Sa kanyang paggiya sa San Miguel sa korona ng nakaraang 2019 PBA Commissioner’s Cup ay ipinahayag ni import Chris McCullough ang kanyang interes na maging miyembro ng Gilas Pilipinas.
Payag ang 6-foot-8 na dating NBA player na maging isang naturalized player para mapasama sa Nationals.
Kahapon sa pamamagitan ng kanyang Twitter account ay muling nagpahayag ng kanyang pagnanais si McCullough na mapabilang sa Gilas Pilpinas na isasabak sa mga darating na international tournaments ngayong taon.
“I’m on call,” maikling Tweet ng 24-anyos na dating naglaro sa NBA para sa Brooklyn Nets at Washington Wizards at kasalukuyang kumakampanya sa Korean Basketball League (KBL).
Sa KBL ay nagtala si McCullough ng mga averages na 15.4 points, 5.5 rebounds at 1.4 blocks para sa Anyang KGC team.
Bukod kay McCullough, ikinukunsidera rin ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio bilang naturalized player ng Gilas si Barangay Ginebra resident import Justin Brownlee.
“My objective is to have two to three names as a pool so we’ll have an elbow room,” wika ni Panlilio sa paghahanap ng SBP ng kapalit ni Andray Blatche.
- Latest