9 kabayo maglalaban-laban sa Lakambini Stakes Race
MANILA, Philippines — Pabilisan at pagalingan ang siyam na babaeng kabayo sa paglarga ng 2019 PHILRACOM “Lakambini Stakes Race” sa Agosto 4 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Tiyak na bebenta ang mga kalahok na My Jopay at My Shelltex na sumali sa triple crown series dahil sa kanilang mga nilalabanang karera at magagandang tiyempo.
Tumakbo ang My Shelltex sa first leg habang sa una at pangatlong legs sumabak ang My Jopay.
May guaranteed prize na P1.5M ang nasabing karera na may distansyang 1,600 meter race kaya inaasahang bigay todo ang mga kalahok para masilo ang tumataginting na P900,000 para sa unang kabayong tatawid sa meta.
“Isa ang Lakambini Stakes Race ang inaabangan ng mga tulad kong karerista, siyempre mga horse owners dahil malaki ang premyo dyan, palaging maganda ang labanan sa lakambini kaya masayang panoorin,” ani Renato Lazaro palaging nanonood ng ensayo sa pista.
Ang ibang kalahok ay ang Cups In River, Easy Landing, Melody Amor, Serafina, Suberbia, Two Timer at Shanghai Grey na tumakbo rin sa pangatlong leg ng triple crown.
Hahamig ng P337,500 ang second placer habang P187,000 at P75,000 ang kukubrahin ng pangatlo at pang-apat na kabayong tatawid sa finish line.
Ibubulsa naman ng breeder ng winning horse ang P60,000 mula sa PHILRACOM.
Wala pang nakatalagang hinete, pero naghahanda at nag-eensayo na ang siyam na kabayo.
Samantala, ilalarga rin sa susunod na buwan ang 11th Mayor Ramon D. Bagatsing Sr. Racing Festival.
- Latest