Antetokounmpo maglalaro para sa Greece sa 2019 FIBA World Cup
ATHENS, GREECE -- Sinabi ni star forward Giannis Antetokounmpo na maglalaro siya para sa Greece sa darating na 2019 FIBA Basketball World Cup sa China sa Agosto.
Hinirang na NBA Most Valuable Player para sa 2018-19 regular season, gusto ng 24-anyos na Milwaukee Bucks forward na matulungan ang kanyang bansa sa kampanya sa nasabing world championship.
“I want to be there to help my country achieve something good,” wika ni Antetokounmpo. “I have not spoken to the coach about which position I will play.’
Idinagdag pa ng All-Star forward na kahit sa anong posisyon siya ilagay ay hindi makakaapekto sa kanyang laro.
“Whether I play in position 1 or 5 I don’t care. I want to play, I’m a basketball player,” wika ng tinaguriang ‘Greek Freak’.
Kinausap na niya ang kanyang mga Greek teammates para sa kanyang paglalaro sa World Cup na nakatakda sa Agosto 31 hanggang Setyembre 15.
“We are all excited and we are looking forward to the tournament,” wika ni Antetokounmpo.
Kasama ang Greece sa Group F na kinabibilangan ng Brazil, New Zealand at Montenegro.
Unang isinuot ni Antetokounmpo, ipinanganak sa Greece sa Nigerian parents, ang uniporme ng Greece noong July 2013 sa under-21 level kung kailan din siya pumirma sa Bucks.
Sa sumunod na taon ay naglaro siya sa senior Greek national team para sa ninth-place finish.
- Latest