Gilas Youth team pa-Qatar ngayon
MANILA, Philippines — Lilipad na patungong Doha, Qatar ngayong gabi ang Gilas Pilipinas youth squad para doon ipagpatuloy ang pinal na bahagi ng paghahanda nito sa nalalapit na 2019 FIBA U19 World Cup na nakatakda sa Heraklion, Greece mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 7.
Sasalang sa limang araw na training doon ang Nationals kabilang na ang dalawang practice games kontra sa kilalang men’s ball club na Al Rayyan upang mahasa para sa prestihiyosong world youth basketball championships.
Sa Doha ay makakasama na nila sa wakas si Dalph Panopio na naka-base sa Rome upang makumpleto ang 14-man Gilas youth pool bago sila dumiretso sa Greece sa Hunyo 27 kung kailan iaanunsyo ni coach Sandy Arespacochaga ang final 12 line-up.
Bukod kay Panopio ay bahagi ng 14-man pool ng Gilas ang twin towers na sina Kai Sotto at AJ Edu gayundin sina Gerry Abadiano, Bismarck Lina, Geo Chiu, Carl Tamayo, Xyrus Torres, Rhayyan Amsali, Joshua Ramirez, Migs Oczon, Dave Ildefonso, Terrence Fortea at James Spencer.
Nasa Pool C ang 30th-ranked na Gilas kasama ang No. 9 na Argentina, No. 19 na Russia gayundin ang home team at No. 15 na Greece.
Kasama ang iba pang 15 na pinakamagagaling na U19 squads sa mundo, pasok na ang Gilas youth sa susunod na round subalit kailangan ng mas magandang placing paa makaiwas sa mas malalakas na koponan sa group stage.
Makakaharap kasi ng Pool C teams ang bigatin ding koponan na China, Puerto Rico, France at Serbia mula sa Group D sa crossover knockout match.
Sa kabila nito, tiwala naman si Arespacochaga sa labang ipapakita ng Gilas youth sa misyong hindi lamang makilahok sa world meet kundi manalo at mabandera ang Pilipinas.
“It’s gonna be an uphill battle for us every game. We’ ve been telling our boys. Our opponents are stronger. It would require more from us. It’s gonna be collective effort. It’s gonna take a whole team,” ani Arespacochaga.
Bubuksan ng Gilas youth ang kampanya nito kontra sa home team na Greece sa Hunyo 29 bago tapusin ang group stage laban sa Argentina at Russia sa Hulyo 2 at 4, ayon sa pagkakasunod. (JBU)
- Latest