Dozier ibinalik ng Phoenix
MANILA, Philippines – Nasa gitna pa man din ng kampanya nito sa idinaraos na 2019 PBA Philippine Cup, nakahanda na agad sa paparating na Commissioner’s Cup ang Phoenix Pulse.
Ito ay matapos kunin ang pamilyar na import na si Rob Dozier para sa mid-season conference na nakatakda sa susunod na buwan.
Katulad ng head coach ng Phoenix na si Louie Alas at manlalaro nitong si Calvin Abueva, dati ring nasa Alaska ang 6’8 import na si Dozier.
Matatandaang si Do-zier ang reinforcement ng koponan nang huling nagkampeon ang Aces noong 2013 Commissioner’s Cup.
Siya ang tinanghal na Best Import sa naturang mid-season tourney kung saan tinalo nila sina Vernon Macklin at Barangay Ginebra sa best-of-five Finals series, 3-1.
Tatlong taon ang makalipas, bumalik sa PBA si Dozier bilang import ulit ng Alaska subalit nabigo sila kontra sa kampeon na Rain or Shine sa 2016 PBA Commissioner’s Cup.
Edad 33-anyos, naglaro si Dozier sa nakalipas na tatlong taon para sa koponang San-En NeoPhoenix sa Japanese B.League kung saan nagrehistro siya ng 15.7 puntos, 9.8 rebounds, 2.4 assists at 1.0 block ngayong season.
Inaasahang hindi magiging mahirap ang transition ni Dozier sa Phoenix lalo’t nasa koponan ang mga dati niya ring kasama sa Alaska sa pangunguna ni head coach Alas at deputy Topex Robinson gayundin sina RJ Jazul at Abueva na dating nasa kampo ng Alaska nang mag-kampeon sila noong 2013.
Sa ngayon naman, itutuon muna ng Phoenix Pulse ang atensyon nito sa kasalukuyang kampanya sa All Filipino conference kung saan mapapasabak sila kontra sa four-time champion na San Miguel Beer sa best-of-seven semi-final series.
Sisiklab na ngayon ang Game 1 ng race-to-four duel sa pagitan ng top-seed na Fuel Masters at fifth-ranked SMB sa ganap na 6:30 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
- Latest