Metropac-SBU, Chadao-FEU determinadong umangat pa
MANILA, Philippines – Makaakyat pa lalo sa team standings ang hangarin ng Metropac – San Beda at Chadao – FEU sa krusyal nilang banggaan ngayon sa umiinit na 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Developmental League sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang salpukan sa huling laro sa alas-4 p.m. kung saan balak kumawala ng Movers (2-1) at ng Tamaraws (2-2) mula sa gitnang bahagi ng standings sa Foundation Group sa likod ng baraha sa likod ng CEU (4-0), Valencia City (3-1) at Wangs Basketball (2-1).
Kagagaling lang sa masakit na 77-80 kabiguan kontra sa lider na Scorpions noong nakaraang linggo, gutom na papasok sa dwelo ang Metropac – San Beda ngayon sa pangunguna ng bagitong si James Canlas.
Bilang bagong lider ng koponan sa pagkawala ng mga alas na sina Javee Mocon at Robert Bolick na nasa PBA na ngayon, nagpapakitang-gilas si Canlas sa pagtala ng impresibong 15.3 puntos sa 54-porsyentong shooting mula sa tres.
Nakatakda namang sumuporta sa kanya ang iba pang baguhang manlalaro ni head coach Boyet Fernandez na sina Prince Etrata at Evan Nelle gayundin ang mga beteranong sina AC Soberano, Clint Doliguez at Donald Tankoua.
Sa kabilang banda, sasakay sa isang malaking 106-81 panalo ang Chadao – FEU kontra sa The Masterpiece Clothing – Trinity University of Asia noong nakaraang linggo.
Samantala, maglalaban naman sa alas-12 ng tanghali na appetizer ang wala pang panalong SMDC – National University (0-3) at bagitong Diliman College – Gerry’s Grills (1-3).
Tatangkain namang saluhan ng St. Clare College – Virtual Reality (3-0) ang UST (4-0) sa unahan ng Aspirants Group sa pakikipagtuos nito kontra sa wala pa ring panalong Enderun – Family Mart (0-3) sa alas-2 ng hapon.
- Latest