Masusubukan ang Gilas kontra sa Jordan
MANILA, Philippines – Masusubukan agad ang kilatis ng mga kadeteng sina Kai Sotto at Ricci Rivero sa pagsalang ng Gilas Pilipinas kontra sa Jordan sa Lunes bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa nalalapit na 2019 International Basketball Federation (FIBA) World Cup Asian Qualifiers.
Ito ang inihayag ni Gilas head coach Yeng Guiao na planong isabak agad sa tunay na laban ang mga national team cadets upang masanay agad silang kalaban ang mas malalaki at mas may karanasang international players.
Ito ay dahil sa magandang pagpapamalas nina Sotto at Rivero sa unang linggo ng pagsasanay ng 20-man Gilas Pilipinas training pool.
Napabilib si Guiao sa ipinakita ng dalawa na aniya’y tila propesyunal na mga manlalaro na siyang patunay lamang na malayo na sila sa kanilang mga kasabayan sa high school at college.
Bagito man, hindi aniya nagpahuli sa mga Phi-lippine Basketball Association (PBA) players ang Ateneo high school standout na si Sotto at University of the Philippines transferee na si Rivero.
Siguradong kasama na ang dalawa sa 13-14 manla-laro na sasagupa kontra sa Jordan sa Nobyembre 19 at 21 gayundin kontra sa Lebanon sa Nobyembre 23 at 25.
Sasamahan nina Sotto at Rivero sina June Mar Fajardo, Beau Belga, JP Erram, Christian Standhardinger, Troy Rosario, Arwind Santos, Stanley Pringle, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Jayson Castro, Matthew Wright at Gabe Norwood.
Hindi naman inaasahan ni Guiao na makakasali sa tune-up game sa Lunes sina Ian Sangalang at Paul Lee ng Magnolia gayundin sina Greg Slaughter, LA Tenorio, Scottie Thompson at Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra.
Iyan ay dahil hindi pa nakapagsanay sa nakalipas na linggo ang mga manlalaro bunsod ng idinaraos pang 2018 PBA Governors’ Cup semi-finals series sa pagitan ng Gin Kings at Hotshots.
Inaasahan namang makakapag-ensayo na ang anim na manlalaro simula sa susunod na linggo kung kailan matatapos na ang semis at papasok na sa dalawang linggong pahinga ang PBA mula Nobyembre 19 hanggang Disyembre 3.
Posibleng maglaro na rin ang naturang anim na manlalaro sa ikalawang tune up match ng Gilas kontra Jordan sa Miyerkules gayundin sa Lebanon sa mga susunod na araw.
Ang mga scrimmages na ito ay bahagi ng paghahanda ng Gilas para sa napipintong krusyal na laban nito kontra sa Kazakhstan sa Nobyembre 30 at sa Iran sa Disyembre 3.
Kasalukuyang nasa ikatlong puwesto ng Group F ang Gilas hawak ang 5-3 kartada at kinakailangang maipanalo ang dalawang home games nito sa Mall of Asia Arena upang mapalakas ang tsansang makapasok sa 2019 FIBA World Cup na gaganapin sa China.
- Latest