Zamar natupad ang pangarap na makapaglaro sa PBA
MANILA, Philippines – Ika nga nila, sa hinaba-haba man ng prusisyon ay sa Philippine Basketball Association din ang tuloy.
Iyan ang napatunayan ni Paul Zamar matapos matupad sa wakas ang kanyang PBA dream anim na taon matapos ang pumalyang pagpasok sana sa Asia’s oldest professional league.
Masiklab ang naging debut ni Zamar sa PBA nang magrehistro ng 15 puntos kasama ang apat na tres, anim na rebounds at isang assist sa loob ng 21 minutong paglalaro mula sa bench sa 91-105 kabiguan ng Blackwater Elite kontra sa Barangay Ginebra kamakalawa ng gabi sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay naganap ang pambihirang PBA debut ni Zamar sa parehong koponan na nag-draft sa kanya sa unang subok niya sa PBA.
Magugunitang anim na taon na ang nakalilipas ay napili si Zamar bilang 34th overall pick ng Ginebra noong 2012 PBA Rookie Draft ngunit hindi pinalad na mapapirmahan ng rookie contract.
Sa pagsasara ng isang pinto sa PBA ay sinubok niya ang kanyang kapalaran sa iba’t ibang liga hanggang sa maganap ang itinuring na niyang ikalawang tahanan sa Thailand kung saan siya naging superstar.
Isa si Zamar sa mga stars ng Thailand na Mono Vampire na siyang naging karibal naman ng San Miguel-Alab Pilipinas sa katatapos lamang na Asean Basketball League.
Doon ay nagrehistro siya ng mga averages na 16.1 puntos, 3.5 rebounds at 2.6 assists na siyang dahilan ng pagkuha sa kanya ng Blackwater sa PBA.
Bagama’t nahuli man ang pagkakasakatuparan ng kanyang PBA dream, lubos pa rin ang pasasalamat ng dating University of the East standout na si Zamar lalo’t ang nakatapat niya sa unang laro ay ang crowd favorite na Ginebra.
Hindi aniya siya nagulat sa Ginebra crowd lalo’t galing siya sa ABL na may home-and-away format.
“Ang maganda sa ABL, prinepare ka sa tulad ng Ginebra, hostile crowd. Parang home and away games ng ABL. Nasanay na sa crowd,” aniya.
Sa kabila ng kanyang masiklab na debut, aminado ang 29-anyos na si Zamar na mahaba pa ang kanyang lalakbayin upang makapag-adjust nang todo sa PBA type of play.
“Siyempre noong una, nangangapa pa. Pero nung nagtuluy-tuloy na, nakapag-adjust na ako. Pero kailangan pa naming mag-adjust sa bagong system ni coach Bong. At ako rin, bagong player so nasa adjustment period pa ako,” pagtatapos niya.
May 0-5 kartada ang Elite, magtatangka si Zamar na matulungan ang Blackwater na makaiskor ng panalo kontra sa TNT Katropa sa Mayo 18 bago magpahinga ang lahat para sa 2018 PBA All-Star Break mula Mayo 23-27.
- Latest