1-0 lead pag-aagawan ng La Salle at Ateneo
UAAP volleyball championship series
MANILA, Philippines - Magsisimula ngayon ang Game One ng UAAP Season 79 volleyball championships sa Smart Araneta Coliseum tampok ang mga pamilyar na magkakalaban para sa kampeonato.
Magtutuos sa ikaanim na sunod na taon sa women’s division ang magka-ribal na Ateneo Lady Eagles at ang kasalukuyang kampeon na La Salle Lady Spikers sa alas-4 ng hapon kasunod ng pang-apat na sunod na pagtatagpo ng back-to-back defending champions na Ateneo Blue Eagles at National University Bulldogs sa men’s division sa alas-12:00 ng tanghali.
Hindi na kinailangan pa ng Lady Spikers at Lady Eagles na gamitin ang kanilang mga bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four matapos dispatsahin ang kanilang mga katunggali upang umabante sa Finals.
Nakatuntong sa pang-siyam na sunod na taon ang second seed na Lady Spikers sa UAAP Finals matapos pataubin ang third seed na UST Tigresses, 25-14, 25-20, 24-26, 25-13, noong Abril 22, habang tinigbak naman ng top seeded na Lady Eagles ang No. 4 na FEU Lady Tamaraws sa sumunod na araw, 25-22, 25-10, 16-25, 26-24, para dumiretso sa kanilang pang-anim na Finals appearance.
Bagama’t halos pareho lamang ng tinahak na landas sa semis ay maituturing na dehado ang La Salle sa serye dahilan sa dalawang magkasunod na kabiguan sa kamay ng Ateneo sa eliminations, ang pinakahuli ay noong Abril 8 sa huling araw ng eliminations kung saan pinaglabanan nila ang unang puwesto sa standings, 12-25, 25-20, 25-21 25-19.
Kakapitan ng Lady Spikers si reigning Best Setter Kim Fajardo na nasa kanyang huling taon sa collegiate volleyball para tanggalin ang tinik sa ka-nilang season sa katauhan ng Lady Eagles at masungkit ang back-to-back title sa women’s division.
Nasa likod ni Fajardo sina Season 78 Finals MVP Kim Dy, Majoy Baron, Desiree Cheng at sophomore spiker Tin Tiamzon na siyang nakapag-ambag ng malalaking kontribusyon para sa La Salle sa buong season.
Babanderahan naman nina setter Jia Morado at ng nagbabalik-UAAP na si Michelle Morente ang Lady Eagles, puntiryang makaganti sa kanilang 1-2 pagkatalo sa kamay ng Lady Spikers sa Finals noong isang taon.
Makakasangga nila sina Bea De Leon, isa pang balik-UAAP na si Kat Tolentino at Jhoanna Maraguinot na siyang nagdala sa kanilang kampanya sa second round ng eliminations.
Maglalaro si Maraguinot sa Finals matapos ipahinga sa huling dalawang laro ng Katipunan-based spikers bago ang Final Four.
Samantala, pangungunahan nina three-time MVP Mark Espejo, Rex Intal at Ish Polvorosa ang Blue Eagles, nakuha ang automatic Finals berth matapos kumpletuhin ang 14-0 sweep sa eliminations.
Pamumunuan naman nina Bryan Bagunas, Fauzi Ismail at Kim Dayan-dante ang Bulldogs na nanggaling sa 23-25, 25-20, 15-25, 25-21, 15-11 ta-gumpay kontra sa FEU Tamaraws sa kanilang stepladder semis match-up.
May tsansa rin na muling magkamit ng double championship sa volleyball ang Ateneo na huli nilang nagawa noong 2015. (FMLumba)
- Latest