Pacquiao nagsimula nang magbanat ng buto
MANILA, Philippines – Inumpisahan na ni Manny Pacquiao ang pagpapakondisyon para tiyakin na sa oras na buksan niya ang kanyang training camp para sa kanilang ikatlong paghaharap ni Timothy Bradley ay hindi siya magsisimula sa wala.
Sinabi ni Pacquiao na sisimulan na niya ang kanyang pagsasanay sa bansa bago mag-ensayo sa Los Angeles ilang linggo bago ang kanilang April 9 rubber match ni Bradley sa MGM Grand.
Dapat ay sa unang linggo ng Pebrero bubuksan ni Pacquiao ang kanyang training camp ngunit wala pang nakakaalam kung kailan darating si trainer Freddie Roach.
Sa mga nakaraang araw ay naglalaro ang 37-anyos na si Pacquiao ng basketball bukod pa sa pagsabak sa scuba diving, paglalaro ng chess at pagbabasa ng bible.
Inaasikaso din ng two-term congressman ng Sarangani ang kanyang kandidatura para sa isang Senatorial seat sa darating na May elections.
“I will start my training here in the Philippines although I have already been working on my strength and conditioning,” wika ni Pacquiao.
Nakatakdang magtungo ang eight-division champion sa United States sa Jan. 18 para dumalo sa dalawang press conferences na magpapaingay sa kanilang pangatlong laban ni Bradley, ang world welterweight champion.
Ang unang press conference ay sa Jan. 19 sa Beverly Hills Hotel sa Sunset Boulevard sa California at ang ikalawa ay sa Jan. 21 sa Madison Square Garden sa New York.
Hindi pa lumalaban si Pacquiao matapos matalo kay Floyd Mayweather Jr. noong May 2 at sumailalim sa isang surgery para sa kanyang right shoulder injury.
Naging positibo ang kanyang MRI tests at handa na muling lumaban.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging mahaba ang bakasyon ni Pacquiao.
Makaraang mabigo kay Juan Manuel Marquez noong December 2012 ay halos isang taon siyang hindi nakita sa aksyon.
Nagbalik si Pacquiao sa boxing ring matapos ang 11 buwan kung saan niya tinalo si Brandon Rios sa Macau kasunod ang mga tagumpay kina Bradley at Chris Algieri hanggang mabigo kay Mayweather. (AC)
- Latest