Spectrum ‘di paaawat
MANILA, Philippines – Pagsisikapan ng mahusay na two-year old horse na Spectrum na madugtungan ang pagpapanalo sa mga stakes races sa pagsali nito sa 2015 Philracom 3rd leg Juvenile Colts Stakes sa Linggo sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Ang kabayong pag-aari ni Atty. Narciso Morales at ipinapagabay kay Dan Camañero Jr., at limang iba pang kabayo ay nominado sa karerang paglalabanan sa 1,400-metro distansya.
Ang iba pang kasali ay ang Show The Whip, Fi-nishing Balls at coupled entry na Uncle Ko at isa pang coupled entries na Stark at Underwood.
Tiyak na mapapaboran ang Spectrum dahil ito ang kampeon sa idinaos na PCSO 2YO Maiden race at sa 1st at 2nd leg ng Juvenile Fillies/Colts stakes.
Sa pagkakataong ito ay hiwalay na tatakbo ang mga 2-year old fillies sa gagawing 3rd Leg ng Juvenile Fillies stakes at puwedeng walisin ng mga lahok ni Morales dahil panlaban ng batikang horse owner sa karerang ito ang Hot Dog.
Ang kabayong ito na dinidiskartehan ni Jeff Zarate ay kampeon sa PCSO Special Maiden Race noong nakaraang buwan at tiyak na inilalagay ito sa magandang kondisyon para muling manguna sa karera.
Ang iba pang kasali sa karerang paglalabanan din sa 1,400m ay ang He He He, Katniss, Most Trusted, Port Angeles, Sky Glory, Subterranean River at This Time.
Sinahugan pareho ng nagtataguyod na Philippine Racing Commission (Philracom) ng tig-P1 milyon ang dalawang karera at ang magwawagi ay mag-uuwi ng P600,000.00 sa horse owners. Ang breeder ng kampeong kabayo ay mayroong P30,000.00 premyo. (AT)
- Latest