Tautuaa tiyak na hindi pakakawalan ng Texters
MANILA, Philippines – Inaasahang popormalisahin na lamang ng Talk ‘N Text ang paghirang kay Fil-Tongan Moala Tautuaa bilang No. 1 overall selection ng 2015 PBA Rookie Draft ngayong hapon sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Si Tautuaa, kasama ang magiging No. 2 overall pick na si Jeth Troy Rosario, ay kasama ng Gilas Pilipinas training pool na kumakampanya sa isang mini tournament sa Estonia.
Ang 6-foot-7 na si Tautuaa, ang inang si Romanita ay isang Pinay at tubong Taguig City, ay ang magiging ikalawang Fil-Tongan na maglalaro sa PBA matapos si 6’9 Asi Taulava ng NLEX.
Naglaro ang 26-anyos na si Tautuaa sa Asean Basketball League para sa Westports Malaysia Dragons ni Filipino coach Ariel Vanguardia noong 2013 matapos mabigong mahugot sa NBA Draft noong 2012.
Nagtapos na may Criminal Justice degree sa Chadron State College, isang US NCAA Division II team, sumabak si Tautuaa sa PBA D-League para sa mga koponan ng Cagayan Rising Suns at Cebuana Lhuillier Gems.
Kabuuang 63 aspirante ang pagpipilian ng 12 PBA teams bilang kanilang mga rookies para sa darating na 41st season na bubuksan sa Oktubre 18.
Si Rosario, naging susi ng National University Bulldogs sa paghahari sa nakaraang UAAP season, ay miyembro ng Gilas Cadets team ni coach Tab Baldwin na nag-uwi ng gold medal sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Matapos ang Talk ‘N’ Text at Mahindra, sunod namang pipili sa first round ang Rain or Shine, Meralco, Barangay Ginebra, NLEX, Meralco, Purefoods, Blackwater, NLEX, Alaska at Rain or Shine.
Inaasahang ding tatapunan ng interes sa first round sina 2014 NCAA Most Valuable Player Earl Scottie Thompson ng Perpetual Altas, Arthur Dela Cruz, Baser Amer at Garvo Lanete ng San Beda Red Lions, Norbert Torres, Arnold Van Opstal at Almond Vosotros ng La Salle Green Archers, Chris Newsome at Nico Elorde ng Ateneo Blue Eagles, Roi Sumang ng UE Red Wariors, Josan Nimes ng Mapua Cardinals, Kevin Racal ng Letran Knights at Bradwyn Guinto ng San Sebastian Stags.
“I’m the type of player that whatever the team needs me to do, I’m willing to do it whether it’s rebound, assist, play point guard, play power forward whatever it is that I need to do,” sabi ng 6’2 na si Newsome, naglaro sa PBA D-League para sa Hapee.
Ang mga koponang pipili naman sa second round ay ang Blackwater, Mahindra, Rain or Shine, Ginebra, Rain or Shine, Alaska, Rain or Shine, Barako Bull, Alaska, Barako Bull Alaska at Rain or Shine.
Wala namang draft picks ang San Miguel, naghari sa nakaraang 2015 PBA Philippine Cup at Governor’s Cup, at ang Globalport.
- Latest