Orcollo kampeon ng US Open 8-Ball
MANILA, Philippines - Hindi nasiraan ng loob si Dennis Orcollo bunga ng maagang pagbagsak sa one-loss side para kilalaning kampeon sa US Open 8-ball Championship sa Rio sa Las Vegas kamakailan.
Limang de-kalibreng manlalaro ang pinataob ng 36-anyos na si Orcollo sa loser’s side para umabante sa finals kontra sa naunang walang talo na si Mike Dechaine na kanyang hiniya, 11-9 tungo sa titulo.
Race-to-11 ang tagisan at nakaangat sa 4-0 si Dechaine bago nakuha ni Orcollo ang kanyang tumbok upang maipanalo ang sumunod na apat na laro.
Namuro uli si Dechaine nang kunin ang 9-7 kalamangan pero nakabalik uli ang SEA Games gold medalist sa 9-ball event at ipinanalo ang sumunod na tatlong laro upang makauna sa hill, 10-9.
Walang pumasok sa sargo ni Dechaine at inubos ng tubong Bislig, Surigao del Sur ang mga nakalatag na bola para sa pangalawang panalo sa taon at maiuwi ang gantimpalang $11,000.
Umabot sa 87 manlalaro ang nagtagisan sa kompetisyon at si Orcollo ay natalo agad kay Shane Van Boening, 9-2.
Nakuha ni Orcollo ang laro kontra kay Amar Kang bago isinunod sina Jason Klatt (9-1), John Morra (9-7), Rafael Martinez (9-7) at Rodney Morris (9-1) upang pumasok sa finals.
Ang matagumpay na kampanya ay ginawa ni Orcollo matapos pumang-apat sa US Open 10-ball Championship para sa $3,000 premyo.
Nagkampeon sa Super Billiards Expo 2015 Players Championship noong Abril, pumalo na sa $42,404.00 ang kinita sa paglalaro ng bilyar sa taong kasalukuyan.
Sumali rin sina Jeffrey Ignacio at Warren Kiamco at sila ay tumapos na kasalo sa 9th hanggang 12th place para sa $800 pabuya.
- Latest