PLDT naghahanda na para sa AVC Champions League
MANILA, Philippines — Puspusan na ang paghahanda ng PLDT para sa AVC Champions League matapos masibak sa quarterfinals ng PVL All-Filipino Conference.
Nakatutok na ang High Speed Hitters sa pagsalang nito sa AVC Champions League na papalo sa susunod na buwan sa Philsports Arena sa Pasig City.
Isa ang High Speed Hitters sa tatlong Pinoy teams na sasabak sa Champions League.
Makakasama nito ang 10-time PVL champions Creamline Cool Smashers at ang Petro Gazz Angels sa kampanya sa Asian tournament.
Bigo ang PLDT na makapasok sa semis nang yumuko ito sa Choco Mucho sa best-of-three quarterfinals series.
Ngunit para kay PLDT top scorer Savi Davison, kailangang kalimutan na agad ito para maitutok ang kanilang buong atensiyon sa AVC event.
“It’s like I have no words. It was a long conference, and we just got, I guess, the tougher bracket. But we’re not here to complain, we’re here to play,” ani Davison.
Aminado ang Filipino-American outsdie hitter na mahirap tanggapin ang pagkatalo lalo pa’t tinapos nito ang eliminasyon tangan ang No. 2 seed.
Alam ni Davison na ibang usapan na sa AVC Champions League dahil international level na ito kumpara sa PVL.
Darating sa bansa ang matitikas na koponan mula sa Japan, Thailand at Vietnam.
- Latest