Vargas umaasang makakalaban si Pacquiao sa 2015 kung...
MANILA, Philippines – Nakikita ni WBA World light welterweight champion Jessie Vargas ang sarili bilang ikala-wang option ni Manny Pacquiao sakaling hindi matuloy ang kinasasabikang pagkikita ng pambansang kamao at ng pound-for-pound king na si Floyd Mayweather Jr.
Si Vargas ay hindi pa natatalo matapos ang 26 laban at tatlo rito ay naitala sa 2014.
Huling laban niya ay kontra kay Antonio DeMarco noong Nobyembre 23 sa Macau, China at umani si Vargas ng unanimous decision panalo para sa ikalawang sunod na matagumpay na pagdepensa sa suot na titulo.
Undercard ang Vargas-DeMarco sa tagisan nina Pacquiao at Chris Algieri na kung saan anim na beses na tumumba si Algieri tungo sa unanimous decision tagumpay para sa WBO welterweight champion.
“I have a lot of respect for Manny Pacquiao. But once, you’re in the ring, you’re inside the ring, you’re in there to take care of business and I believe that I have what it takes to beat him,” wika ng 25-anyos at 5’10” na si Vargas sa On The Ropes Boxing Radio.
Nagkaroon ng ugong uli ang posibleng pagtutuos nina Pacquiao at Mayweather matapos ihayag ng huli ang pagnanais na ibigay sa mga mahihilig sa boxing ang inaasam na laban.
Pero wala pang linaw kung magaganap ito dahil ilang beses na nakita ang pabagu-bagong desis-yon ni Mayweather na kampeon sa WBC/WBA welterweight at light middleweight divisions.
Naniniwala si Vargas na mas magiging maganda at mas magugustuhan ng mga panatiko sa boxing kung siya ang makakaharap ni Pacman dahil agresibo siya kung lumaban.
“I don’t back down. He’s (Pacquiao) a puncher and I’m a puncher. It would be a great fight, it would be a war,” dagdag ni Vargas.
Ang magiging ruta ng career ni Pacquiao sa 2015 ay inaasahang magkakaroon ng linaw sa buwan ng Enero. (AT)
- Latest