Perpetual spikers naawat na
MANILA, Philippines - Natapos na ang winning streak ng Altas sa 53 panalo.
Ito ay matapos mabigo ang Perpetual Help sa Emilio Aguinaldo College, 25-20, 15-25, 25-20, 18-25, 13-15 sa 90th NCAA men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Humataw si Howard Mojica ng match-best na 23 hits kasama na ang mahahalagang kills sa fifth at deciding set para tapusin ang arangkada ng Altas sa loob ng limang seasons.
Ang panalo na pang pitong sunod ng Generals ay nagkaloob sa kanila ng solo lead na nagpalakas ng kanilang tsansa sa hangad na unang titulo matapos sumali sa liga limang taon na ang nakararaan.
Nahulog naman ang Perpetual sa 5-1 slate.
Samantala, pinulbos ng College of St. Benilde ang San Beda, 25-11, 25-17, 25-17 para sa kanilang 4-2 baraha.
Sa women’s play, pinatumba ng Perpetual Help ang EAC, 25-23, 25-20, 25-23 para makasalo ang San Sebastian sa ikalawang puwesto sa magkatulad nilang 6-1 marka.
Tinalo naman ng St. Benilde ang San Beda, 25-9, 25-11, 25-15 para sa kanilang 5-1 baraha.
- Latest