Kiefer Ravena UAAP-MVP
MANILA, Philippines - Selyado na ni Kiefer Ravena ang estado bilang isa sa mga pinakamahuhusay na manlalaro na nakita sa UAAP dahil ang kamador ng Ateneo Blue Eagles ang siyang hihirangin bilang Most Valuable Player ng Season 77 men’s basketball.
Ang statistics ang pinagbabasehan ng binibigyan ng MVP title sa UAAP at napanatili Ravena ang pa-ngunguna sa Statistical Points na hinawakan mula pa sa pagtatapos ng first round.
Matapos ang 14 laro sa elimination round, si Ra-vena ay nakalikom ng 77.6429 Total Statistical Points (TSP) para iwanan ang Season 76 Finals MVP na si Jeron Teng ng La Salle na may 68.2143 TSP.
“This season has been tremendous for us. It’s a revelation for so many players most especially for Kiefer,” wika ni Eagles coach Bo Perasol.
Lumabas ang fourth year guard bilang number one sa scoring sa kanyang 21.2 puntos, number one sa assists sa 5.6 average at number one sa steals sa 1.5 steals para tulungan din ang Eagles na maging number one sa liga sa 11-3 karta.
Bago ito ay kinilala muna ng UAAP Press Corps si Ravena bilang Accel Quantum Plus/3XVI Player of the Week nang pamunuan ang pagbangon ng Eagles mula sa 19 puntos pagkakalubog para hiritan ang FEU Tamaraws ng 68-64 overtime panalo na nagbigay sa koponan ni Perasol ng twice-to-beat advantage laban sa magi-ging number four team patungo sa Final Four.
Ito ang unang MVP ni Ravena sa liga at pinawi niya ang pagkatalo kina Bobby Ray Parks Jr. ng National University Bulldogs at Terrence Romeo ng FEU sa huling dalawang seasons.
Si Teng ay naghatid ng 18.7 points, 7.14 rebounds at apat na assists kada-laro para tulungan ang nagdedepensang kampeong Archers na umabante sa Final Four kung saan makakasukatan nila ang FEU sa magiging best-of-three series.
Ang power forward ng Tamaraws na si Mark Belo ang lumabas bilang ikatlo sa karera sa 61.2857 TSP habang si Chris Newsome ng Ateneo at KarimAbdul ng UST ang nasa ikaapat at limang puwesto tangan ang 60.6429 at 57.6154, ayon sa pagkakasunod.
Ang mga nabanggit ay makakasama nina Ravena at Teng sa Mythical Five.
Ang baguhang import ng Bulldogs na si Alfred Aroga ang nasa ikaanim sa 53.8571 habang sina Mike Tolomia ng FEU (53.7857), Jeth Rosario ng NU (52.7857), Jason Perkins ng La Salle (52.2857) at Celedonio Trollano ng Adamson (50.6923) ang kumumpleto sa unang 10 puwesto. (AT)
- Latest