Mahalaga ang panalo para sa San Beda
MANILA, Philippines - Dahil dikit-dikit ang mga koponan sa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto, napakahalaga ang makukuhang panalo ng four-time defending champion San Beda Red Lions sa Emilio Aguinaldo College Generals sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na ika-2 ng hapon magsisimula ang tagisan at ika-11 panalo matapos ang 13 laro ang mapapasakamay sa Red Lions kung mananaig pa sa Generals.
Tinalo na ng tropa ni coach Boyet Fernandez ang bataan ni coach Gerry Esplana, 81-55 at papasok pa ang San Beda sa laro mula sa tatlong sunod na panalo.
Tinuldukan ng Lions ang pagpapanalo sa pamamagitan ng 78-54 pana-naig sa St. Benilde Blazers.
Si Ola Adeogun ang siyang nakikitaan ng ibayong sigla sa paglalaro para paniwalaan na kakamada uli ito upang ilayo ang San Beda ng dalawang laro sa Arellano Chiefs at Jose Rizal Heavy Bombers na magkasalo sa pangalawang puwesto sa 9-4 karta.
“I am pushing myself because I want to help this team win another championship,” wika ni Adeogun.
Malaking problema ito para sa Ge-nerals kung mananatiling mabangis si Adeogun lalo pa’t hindi pa tiyak kung makakalaro si Noube Happi para maitaas ang kasalukuyang karta na 3-9.
Didikit pa ang back-to-back finalist na Letran Knights kung mananaig sa bumabagsak na San Sebastian Stags sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
May tatlong panalo sa huling apat na laro ang Knights para sa 5-7 karta at napapaboran ang tropa ni coach Caloy Garcia na maipagpatuloy ang magandang ipinakikita sa second round dahil ang Stags ay may siyam na sunod na pagkatalo na siyang dahilan para mawalan na ng tsansa sa susunod na round tulad ng Mapua sa iisang 3-10 marka.
- Latest