Pacquiao preparado sa 5’10 na si Algieri
MANILA, Philippines - Ilang pagkakataon na nga bang nakasagupa ang 5-foot-6 na si Manny Pacquiao ng boksingerong mas malaki sa kanya.
Kaya hindi na bago kay ‘Pacman’ ang harapin ang 5’10 na si Chris Algieri sa kanyang pagdedepensa ng suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown sa Nobyembre 22 sa Macau, China.
“Hindi naman (agrabyado). Palagi namang ganun ang mga kalaban ko eh,” sabi ng 35-anyos na si Pacquiao sa pagsagupa sa 30-anyos na si Algieri sa isang panayam sa telebisyon.
Ilan sa mga matatangkad na tinalo na ni Pacquiao ay sina 5’11 Antonio Margarito at 5’8 Oscar Dela Hoya.
Pinasaringan ni Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) si Algieri (20-0-0, 8 KOs) na hindi pa natatalo sa kanyang laban.
“Exciting (na laban) ito. Matagal-tagal na walang knockout ‘yung mga laban ko,” wika ng Sarangani Congressman.
Si Algieri ay ang bagong WBO light weltertweight titlist matapos agawin ang korona kay Ruslan Provodnikov na dating sparmate ni Pacquiao.
Inihayag na ni Bob Arum ng Top Rank na sisimulan ang media tour para sa Pacquiao-Algieri championship fight sa Agosto 25 sa Macau, China.
Mula dito ay dadalhin ang media tour nina Pacquiao at Algieri sa Shanghai, China at Taipei bago dumiretso sa United States.
Sa US ay bibisitahin ng delegasyon ang Los Angeles, San Francisco, New York at posibleng sa Las Vegas, Nevada.
- Latest