Gilas lusot sa China: Para kunin ang third place trophy
MANILA, Philippines - Hindi matatawaran ang puso ng isang ‘Angas ng Tondo’.
Isinalpak ni Paul Lee ang tatlong krusyal na free throws sa nalalabing 0.3 segundo para ibigay sa Gilas Pilipinas ang 80-79 panalo kontra sa China at angkinin ang third place trophy ng 5th FIBA-Asia Cup sa Wuhan Sports Centre sa Wuhan, China kagabi.
Tumapos si Lee na may 9 points.
Binanderahan ni Ranidel De Ocampo ang Nationals sa kanyang 18 points, kasama dito ang 3-of-3 shooting sa 3-point range, habang nagdagdag ng 14 si Japeth Aguilar, 12 si LA Tenorio at tig-10 sina naturalized center Marcus Douthit at Beau Belga.
Mula sa mintis na dalawang free throws ni Zirui Wang sa huling 11 segundo sa final canto ay nakahugot ng foul si Lee kay Kelanbaike Makan sa natitirang 0.3 segundo sa three-point line.
Isinalpak ni Lee ang tatlong free throws para akayin ang Gilas Pilipinas sa panalo laban sa China.
Kinuha ng Chinese ang 79-77 abante mula sa dalawang free throws ni Makan sa 46 segundo.
Bago talunin ang China ay nakalasap muna ang Gilas Pilipinas ng 55-76 pagkatalo sa Iran sa semifinals noong Biyernes.
Sa agawan para sa korona ng FIBA-Asia Cup ay tinalo ng nagdedepensang Iran ang Chinese-Taipei, 89-79.
Gilas Pilipinas 80 - De Ocampo 18, Aguilar 14, Tenorio 12, Douthit 10, Belga 10, Lee 9, Lanete 3, Washington 2, Dillinger 2, Alas 0, Fajardo 0, David 0.
China 79 - Makan 23, Gao 11, Tao 11, Zhou 10, Wang 9, Gu 7, Zhang 6, He 2, Dong 0, Cao 0, Duan 0.
Quarterscores: 15-24; 38-44; 60-62; 80-79.
- Latest