PLDT-MyDSL pasok na sa semifinals
MANILA, Philippines - Nakitaan pa rin ng bangis ang mga American imports ng PLDT MyDSL para kunin ang isa sa dalawang awtomatikong puwesto sa semifinals sa 25-13, 24-26, 25-18, 25-20, panalo sa baguhang RC Cola sa Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix kahapon sa Ynares Sports Arena.
May 22 hits si Savannah Noyes habang 16 ang ipinagkaloob ni Kaylee Manns upang kunin ng Speed Boosters ang ikaapat na sunod na panalo at tiket sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Core at may basbas ng International Volleyball Federation (FIVB).
Si Noyes ang namahala sa pag-atake sa kinuhang 17 kills habang si Manns ay mayroong pitong service aces at dalawang blocks.
Na-sweep sana ng Speed Boosters ang laban kundi dahil sa 12 errors sa second sets na nakuha ng Raiders.
May 14 hits pa si Sue Roces para sa bataan ni coach Roger Gorayeb na hindi nagustuhan ang mga errors na naitala sa laro.
May 17 puntos si Sontaya Kaewbundit para sa Raiders na kahit natalo sa ikaapat na pagkakataon ay nakitaan naman ng ibayong paglalaro para paniwalaang lalaban pa pagsapit na quarterfinals.
Pinataob naman ng nagdedepensang TMS-Army ang Cignal, 25-5, 25-18, 25-20, sa ikalawang laro.
May 19 puntos si Rachel Anne Daquis para sa Lady Troopers para solohin ang ikalawang puwesto sa 4-1 baraha. (AT)
- Latest