Amit pasok sa Last 8
MANILA, Philippines - Nanumbalik ang kinang ng paglalaro ni Rubilen Amit nang maipanalo ang dalawang laro sa knockout round ng 2013 Yalin Women’s World 10-ball Championships kahapon sa Resorts World Manila.
Nalagay sa round-of-24 matapos matalo kay Ho Yun Tan ng Chinese Taipei sa huling laro sa Group 7 sa Group elimination, nakabuti ang pagkakasalang ni Amit dahil lumabas uli ang focus at magandang tumbok para kalusin si American Jennifer Barreta, 8-2.
Sunod niyang sinagupa si Chou Chieh Yu na number one player ng Taipei at nanalo ng ginto sa 2013 World Games sa Cali, Colombia at dito lalong lumabas ang galing ni Amit.
Kinailangan ni Amit, ang 2009 World champion at multi-gold medalist sa SEA Games na bumangon mula sa 0-2 at 3-5 iskor bago rumatsada ng tatlong sunod na racks na tampok sa 8-6 panalo.
Tanging si Amit na lamang ang nakatayo at ipinanlalaban ang host country matapos hindi palarin sa Group stages sina 2011 Indonesia SEAG double gold medalist at 2013 Philippine National Games champion Iris Ranola, Cheska Centeno at Gillian Go.
Samantala, bumangis rin ang laro ng nagdedepensang kampeon na si Ga Young Kim ng Korea nang hiritan si Fu Xiao Fang ng China ng mada-ling 8-2 panalo.
Ang kababayan ni Kum na si Eun Ji Park ay nagdomina rin sa isa pang Chinese player na si Sha Sha Liu sa 8-6 iskor.
Tinapos naman ni Pei Chen Tsai ng Taiwan ang maagang pamamayagpag ng 18-anyos na si Gou Meng ng China nang patalsikin niya ito sa kompetisyon sa 8-3 panalo.
Bago ito ay winalis ni Gou ang limang laro sa Group 1 at kasama sa kanyang pinataob ay si Kum sa kahanga-hangang 8-2 iskor. Tinapos ang quarterfinals kagabi habang ang semifinals at finals ay gagawin ngayon.
- Latest