Viloria may laban sa Macau
MANILA, Philippines - Magde-debut ang professional boxing sa Venetian Hotel and Casino sa Macau sa April 6 kung saan itataya ni WBO/WBA flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria ang kanyang mga titulo kontra sa isang papasikat na Mexican boxer na si Juan Francisco Estrada sa main event at tatlo pang undefeated Filipinos ang isasalang sa undercard na katatampukan nina two-time Olympic gold medalist Zou Shiming ng China, dating WBO superbantamweight king Wilfredo Vazquez Jr. ng Puerto Rico, ang wala pang talong six-foot lightmiddleweight contender Vanes Martirosyan ng Armenia at WBO superfeatherweight challenger Diego Magdaleno ng Las Vegas.
Ang mga Pinoy sa undercard ay sina WBO No. 1 flyweight contender Milan Melindo at ang mga Peñalosa brothers na sina Dodie Boy Jr. at Dave.
Itataya ni Melindo, 25-gulang, ang kanyang malinis na 28-0, kasama ang 11 KOs kontra kay Tommy Seran ng Indonesia na may 23-1 win-loss record kasama ang 14 KOs.
Makakaharap ni Dodie Boy Jr. si Ngaotawan Sithsaitong ng Thailand habang sasagupa naman si Dave sa isa pang Thailander na si Cheroenchai Sithsaitong. Si Dodie Boy Jr. ay may 10-0 record, kasama ang 10 KOs habang si Dave ay may 5-0 record kasama ang 3 KOs.
Sasalang naman sa unang pagkakataon si Zou, 22-gulang, bilang pro kontra kay Eleazar Valenzuela ng Mexico sa four-rounder.
Haharap naman si Vazquez Jr. kontra kay Japanese Yasutaka Ishimoto sa 12-round bout para sa WBO International superbantamweight crown.
- Latest