Aguinaldo ibinigay ng Will Coskee
MANILA, Philippines - Pinasaya kaagad ng dehadong Will Coskee ang bayang-karerista nang bigyan ng magandang Aguinaldo ang mga nanalig sa kanyang husay.
Sa unang karera sa taong 2013 nakapagpasikat ang kabayong sakay ni JB Cordova upang lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nakapanilat agad.
Ang hindi inaasahang panalo ay tumabon sa di pagtimbang ng kabayo sa huling dalawang takbo sa buwan ng Disyembre.
Ito ang ikalawang sunod na takbo ng Will Coskee sa pagdadala ni Cordova at tinalo ng tambalan ang Musashi na diniskartehan ni apprentice rider RE Baylon.
Ang panalo ay nagpasok ng P83.00 sa win, habang ang dehadong kombinasyon na 2-9 ay nagpamahagi ng nakakatuwang P4,955.50 bawat P5 taya.
Isa ring humataw ay ang Chase Charlie na nanalo sa race four na isang Philracom-PRCI sponsored race.
Tumakbong kasama ang coupled entry na Typhoon Doding, ang win ay naghatid ng P61.50, habang ang forecast na 3-6 ay may P172.00 dibidendo.
Lumabas ang Elgin And Chairman bilang pinakapatok na kabayong nanalo nang kuminang ang kabayong hinawakan ni Mark Alvarez sa race 3.
Unang pagdiskarte ito ni Alvarez sa kabayo na dating sinasakyan ni FA Tuason.
Lumabas pa ang tikas ng Elgin And Chairman para daigin ang hamon ng Banay Banay sa 1,200m distansya.
Nagpasok ang liyamadong Elgin And Chairman ng P8.50, habang ang 3-6 forecast ay nagbigay ng P51.50 dibidendo.
- Latest