Mga bida ng Kadena... nasasapawan ng bata!
Hindi naman siguro sadya pero, napapansin ng manonood ng Kadenang Ginto at marami sila huh na unti-unti nang nasasapawan ng kabataang aktor na si Louise Abuel ang character ni Richard Yap.
Mula nang lumitaw ang dating child star sa serye na kung saan ay naghahari sina Beauty Gonzales, Dimples Romana at Richard Yap ay parang nag-lay low ang Gold Squad nina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Kyle Echarri at Seth Fedelin. Biglang nabaling ang pansin kay Louise na hindi naman nakapagtataka dahil hindi na ito ang uhuging bata na napanood natin sa maraming pelikula.
Nagbibinata na ito at bukod sa lumaki na ay napanatili ang galing sa pag-arte at guwapo pa! Sayang at recently lamang ito napasama sa popular na serye ng Kapamilya. Kung napaaga siya ay baka nakasama rin siya ng Gold Squad at baka naka-loveteam ni Andrea o ni Francine.
Wala ngang leading man, Sarah tinambakan naman ng guest
Hindi nga nabigyan ng leading man si Sarah Geronimo sa pelikulang Unforgettable at sa halip ay isang aso ang kasa-kasama niya sa movie pero, tinambakan naman siya ng maraming guest artists tulad ni Regine Velasquez-Alcasid na maganda ang role kahit maikli lang pala ang exposure niya at kaabang-abang sa movie, kung paniniwalaan natin ang mga teaser na lumalabas.
Guest din sina Anne Curtis, Tirso Cruz lll at marami pang iba. Pero sanay na ba ang mga manonood ng pelikulang lokal na mag-isa lamang ang bida ng isang pelikula? Abangan nga natin....
Malvar movie maraming isyu
Ano kaya ang kahihinatnan ng Malvar movie ni Sen. Manny Pacquiao ngayong maraming isyu ang kinakaharap nito hindi lamang mula sa mga tagasubaybay ng kampyong boksingero kundi maging diumano sa mga kamag-anak ng bayaning Batangueño?
Wala namang problema dito ang Pambansang Kamao dahil artista lamang siya sa movie bagaman at naniniwala ang marami na may pera siya sa produksyon. Balitang tutol ang pamilya nang pinagkunan ng kuwento na siya ang gumanap ng title role dahil daw pulitiko siya?
Pinoy athletes nagwagi sa abroad, bibigyan ng tig-P1M
Tama lamang na tumanggap ng tig-P1M ang nanalong gymnast na si Carlos Yulo at ang boksingerang Pinay na si Nesthy Petecio sa pagwawagi nila sa kanilang laban sa abroad. Magagamit nila ito bilang paghahanda sa mga susunod pa nilang laban kundi man sa Tokyo Olympics ay sa SEA Games.
Maraming atleta natin ang nangangailangan ng suportang pinansyal mula sa ating gobyerno, nabasa ko minsan ang pangangailangan ni Hidilyn Diaz, Olympics silver medalist natin sa weightlifting para sa kanyang training.
Carlo at Maine naka-A sa CEB
Malaking bagay para sa Isa Pa With Feelings nina Carlo Aquino at Maine Mendoza na mabigyan ng Grade A ng Cinema Evaluation Board (CEB) ang kanilang pelikula. Nakasisiguro na ang manonood ng isang magandang pelikula. Pambihirang pelikula ang nabibigyan ng ganitong kataas na grado, karamihan ay mga Grade B lamang ang tinatanggap pero, pansinin niyo na lahat ng may Grade A ay talagang magaganda.
Yamyam ibibida ang buhay sa MMK
Hindi lamang sa Pinoy Big Brother (PBB) nagtagumpay si Yamyam Gucong, wagi rin siya na mapili ang kanyang buhay ng Maalaala Mo Kaya.
Si Yamyam mismo ang gaganap ng sarili niya sa kuwento na kasama rin ang hirap na pinagdaanan ng kanyang pamilya, ang kanyang sweet success sa PBB, ang pagkakaibigan nila ni Fumiya Sanke at ang kanyang lovelife. Yes, maganda rin po ang love story ng ngayon ay isa sa cast ng Home Sweetie Home at nagsisimula nang makilala bilang isang komedyante.
Personal…
Isang pagbati sa isang apo sa kapatid na si Jeane Claire Rodriguez Vinas na nagdaos ng isang maringal na selebrasyon ng kanyang debut nung Sabado, October 12, sa Oblation Ballroom ng Microtel sa UP Technohub. Nag-iisang anak ang debutante nina Jayson at Anne Vinas at nasa ika-11th grade sa OB Montessori Fairview.
- Latest