TNT contestant na nagbintang ng ‘cooking show,’ tinalakan ni Vice

‘Kaloka ‘yung isang kalahok sa Tawag ng Tanghalan ng It’s Showtime na lumabag diumano sa pinirmahan niyang kontrata.
Inanunsyo ng mga It’s Showtime host na laglag na ang nasabing kalahok dahil sa mabigat na paratang niya sa social media na aniya ay ‘cooking show’ raw ang nasabing programa dahil hindi nagwagi ang inaasahan niyang kalahok.
Makikita rin ang screenshot ng mga komento niya kung saan sumang-ayon siya sa isang netizen na matapos daw ang standing ovation sa isang contestant ay naligwak ito. Sinundan pa raw nito ng komento na hindi raw alam ng programa ang hirap nila sa kumpetisyon tapos ganon na lang ang nangyari.
Kaya agad na nagsalita ang mga host at ayon kay Vice Ganda ay “Maaari tayong magkaroon ng iba’t ibang opinyon sa mga pangyayari, sa mga bagay, sa mga tao, at karapatan nating magkaroon ng mga opinyon.
“Pero dapat lang din, maisip natin na ang ating mga karapatan ay hindi makakatapak sa karapatan din ng iba. Iba ang opinyon, pero iba ang akusasyon.”
Totoo naman ang sinabi ni Vice noh.
Nakakapanghinayang lang na dahil sa ginawa ng contestant ay naligwak tuloy siya at pinalitan agad.
Nasayang tuloy ang oportunidad na binigay sa kanya.
Hindi lamang iyan paalala sa mga kalahok ng programa kundi sa lahat na dapat ay mag-ingat sa mga pino-post sa social media lalo na at madali nang makakuha ng resibo ngayon.
Nakakaloka na parte pa siya ng kumpetisyon pero siniraan niya agad iyon ha.
Kaya dapat maging aral na iyan sa lahat. ‘Kaloka.
- Latest