EDITORYAL — Trapik sa Metro Manila over loaded na talaga
KAHAPON, gumagapang ang mga sasakyan sa EDSA. Kailangan ang mahabang pasensiya at pagtitiis sa perwisyong trapik na hindi malutas-lutas. Sa halip na masolusyunan, lalo pang naging malupit ang trapik at hindi lamang ito nangyayari sa EDSA kundi sa iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila. Kahit may mga alternatibong kalsada, hindi pa rin malutas ang trapik.
Ngayong araw na ito, inaasahang lalo pang bibigat ang trapik dahil payday at dagsa ang mga tao sa mall at mga pamilihan para sa Christmas shopping. Tiyak bibigat pa ang trapik sa mga lugar na may mall. Kahit ginawang 11:00 ng umaga hanggang 12:00 ang pagbubukas ng mga mall, matrapik pa rin. Talagang masyado nang maraming sasakyan na yumayaot hindi lamang sa EDSA kundi sa iba pang mga pangunahing kalsada.
Sabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA), umabot na sa 464,000 ang mga sasakyang dumaraan sa EDSA. Dati, 250,000 lamang ang mga sasakyang bumubuhos sa EDSA ngayon ay nadoble na. Payo ng MMDA, planuhin ng mamamayan ang oras ng pag-alis upang hindi maapektuhan nang matinding trapik. Asahan na ang matindi pang trapik habang papalapit ang Pasko.
Ang Metro Manila ay pangsiyam sa pinakamatrapik na siyudad sa buong mundo, batay sa TomTom’s Traffic Index na inilabas noong Enero 2024. Ang iba pang siyudad sa Southeast Asia na grabe ang trapik ay ang Jakarta, Indonesia; Bangkok, Thailand; Kuala Lumpur, Malaysia at Singapore.
Noong 2022, sa ginawang pag-aaral ng GoShortys, isang insurance technology website na naka-base sa United Kingdom, pangwalo ang Metro Manila sa pinakamatrapik na city sa buong mundo.
Noon pa man, problema na ang trapik sa Metro Manila. Marami nang ginawang paraan para mapaluwag ang trapik lalo na sa EDSA, pero wala pa ring epekto at lalo pang nagsikip ang trapik. Sa kabila na mayroon nang Busway o Bus carousel, matrapik pa rin at usad pagong ang mga sasakyan.
Ang problemang trapik ang dahilan kaya nawawalan ang bansa ng bilyong piso araw-araw. Sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), umaabot sa P3.5 bilyon ang nasasayang araw-araw dahil sa trapik sa Metro Manila.
Ipagpatuloy ng MMDA ang pag-alis sa mga sagabal sa kalsada gaya ng mga nakaparadang sasakyan. Gibain ang mga basketball court sa gitna ng kalsada ganundin ang mga car wash at talyer. Ayusin din ang mga kalsada na dahilan din nang matinding trapik sa Metro Manila. Overloaded na talaga.
- Latest