Prosecution panel handa kay ‘Typhoon Inday’
MANILA, Philippines — Handa ang prosecution panel sa tinaguriang “Typhoon Inday” na patutsada ni OVP Chief of Staff Zuleika Lopez kaugnay ng kanyang pagharap sa Senate impeachment trial.
“Kayo ang maghanda kasi usually kapag bagyo wala kayo!,” mariing tugon nitong Huwebes ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V.
Si Lopez ay kabilang sa mga hostile witness ng prosekusyon na haharap sa pagpapatuloy ng paglilitis sa kaso ng banta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na Miyerkules.
Sa panig ni House prosecutor San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, tumanggi itong magkomento sa patutsada ni Lopez at sa halip ay literal na sinagot ang tanong. “Totoo naman pong may bagyong Inday, kaya maghanda po tayo para sa bagyo,”
Sa Lunes, Hulyo 13, nakatakdang iprisinta ng prosekusyon ang ebidensya kung saan haharap si NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc.
Samantala, inaasahang tatayo sa witness stand si Lopez sa Miyerkules, Hulyo 15, kaugnay ng ika-apat na Article of Impeachment na nag-aakusa kay VP Duterte ng grave threats laban kay Pangulong Marcos, FL Liza at dating Speaker Martin Romualdez.
Ang pahayag ni Lopez hinggil sa “Typhoon Inday” ay kaugnay ng kumalat na espekulasyon na muling babalik si VP Duterte sa Senado habang gumugulong ang impeachment trial.
Magugunita na noong ikalawang araw ng paglilitis, dumating si VP Duterte sa Senado ngunit nakipagpulong lamang sa kanyang defense lawyers at hindi sumipot sa impeachment court.
- Latest





















