Maghanda kay Typhoon Inday - Zuleika

MANILA, Philippines — “Prepare for Typhoon Inday.”
Ito ang maikling pahayag ni Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte, bago siya umalis sa Senado matapos makipag-usap kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., kahapon. Pagkatapos ng pahayag, hindi na sinagot ni Lopez ang mga tanong ng media.
Bagama’t isang bagyong pinangalanang “Inday” ang kasalukuyang mino-monitor sa loob ng Philippine Area of Responsibility, “Inday” din ang tawag ng kanyang mga tagasuporta sa Bise Presidente.
Nauna rito, hiniling ng House prosecutors sa impeachment trial na ipa-subpoena si Lopez kaugnay sa umano’y banta ni Duterte na ipapapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Sa hiwalay na panayam, nilinaw ni Bantug na ang pagbisita ni Lopez ay para lamang sa administrative at logistic matters ng impeachment trial.
Ayon kay Bantug, tinanong siya ni Lopez kung ilang bisita ng defense panel ang maaaring manood sa session hall. Sagot niya, nakalaan ang 45 na upuan para sa depensa.
Tinanong din ni Lopez kung maaari bang magdala ng sariling media team ang OVP. Ipinaliwanag ni Bantug na hindi ito pinapayagan, dahil kahit ang kahilingan ng House prosecutors ay hindi rin pinagbigyan.
Nilinaw pa ni Bantug na wala namang opisyal na request mula sa OVP hinggil sa media team. Dagdag niya, walang problema sa pag-access ng Senado at sa mga media holding areas.
Samantala, pormal ng naglabas ang Impeachment Court ng Subpoena ad testificandum kay Lopez na humihiling sa kanyang pagdalo at pagbibigay ng testimonya sa patuloy na paglilitis sa impeachment ni Duterte.
Ang subpoena, na nilagdaan ni Presiding Officer Sen. Chiz Escudero, ay opisyal na inihain at natanggap ng Central Records Unit ng OVP.
Sa utos ng Korte, kinakailangang humarap si Lopez sa Senado sa Hulyo 13 at 14, 2026 upang magbigay ng mahalagang testimonya hinggil sa kanyang kaalaman sa kasong isinumite ng Kamara.
Nauna rito hiniling ng prosekusyon noong nakaraang Martes na pilitin ang pagdalo ni Lopez sa paglilitis. Si Lopez ang dahilan ng pagbisita ni Duterte sa House noong Nob. 23, 2024, kung saan nagsagawa siya ng virtual media conference at sinasabing pinagbantaan ang buhay ni Pangulong Marcos.
- Latest


















