Bonoan pini-pressure lang para idawit si Romualdez

MANILA, Philippines — Posibleng prine-pressure lamang umano si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan upang idawit si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay ng flood control scam.
Ito ang pahayag ni Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni Leyte 1st District Rep. Romualdez, na iginiit na sa loob ng mahigit isang taon mula nang pumutok ang kontrobersya noong Hulyo 2025, wala ni minsang binanggit ni Bonoan ang pangalan ni Romualdez sa anomalya.
Sa isang radio interview, mariing sinabi ni Fajardo na walang ebidensya laban kay Romualdez at wala ring naiprisinta ang mga nag-aakusa.
“Wala po talagang ebidensya, kasi wala talagang kinalaman si dating Speaker dito sa flood control anomaly. Kung walang kaso sa korte, walang criminal cases, ibig sabihin bola lang po ‘yan,” giit ni Fajardo.
Dagdag pa niya, ang kakulangan ng ebidensya ay “sobrang lawak na mahirap punan ng kwento-kwento lang.”
Ayon pa kay Fajardo, ikinagulat nila ang ulat na pinaplano ng Ombudsman na gawing key witness si Bonoan laban kay Romualdez.
Si Bonoan, na mahigit 80-anyos, ay kasalukuyang nasa hospital arrest at posibleng ilipat sa regular na kulungan kapag medically cleared.
- Latest






















