Gilas winalis ang tune-up games

MANILA, Philippines — Nakumpleto ng Gilas Pilipinas ang 2-0 sweep ng tune-up games nito matapos tambakan ang Franklin Bulls, 94-66, kahapon sa Franklin Bulls Franklin Pool and Leisure Center sa New Zealand.
Umariba sa 32-19 simula ang Nationals at hindi na lumingon pa tungo sa kumbinsidong 28-point win kontra sa pambatong ball club ng National Basketball League (NBL) ng New Zealand.
Hindi uli nakalaro si Justin Brownlee upang ipagpatuloy ang pahinga mula sa katatapos lang na PBA Season 50 Governors’ Cup pati na si Mike Phillips na nagtamo ng ankle sprain injury sa nakaraang duwelo.
Subalit hindi ito ininda ng mga bataan ni coach Tim Cone para sa magandang preparasyon sa ikatlong window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nauna nang kinaldag ng Gilas ang Property Brokers Manawatu Jets 90-61, sa Fly Palmy Arena kung saan hindi sumalang si Brownlee na trinangkuhan ang mother team na Barangay Ginebra ni Cone sa kampeonato ng Governors’ Cup.
Sa kawalan nina Brownlee ay nagbayanihan sina 9-time PBA MVP June Mar Fajardo, Juan Gomez de Liaño, Chris Newsome, Dwight Ramos, Carl Tamayo, Kevin Quiambao, RJ Abarrientos, Troy Rosario, AJ Edu at Justine Baltazar.
Nag-aabang sa Gilas ang New Zealand sa Auckland sa Hulyo 3 at Australia sa Perth para sa krusyal na bahagi ng Asian Qualifiers kung saan pasok nila sa 2nd round.
Tangan ang 2-2 kartada sa Group A, kailangan ng Gilas makaipon pa ng panalo papasok sa 2nd round kontra sa Iran, Jordan at Syria ng Group C. (
- Latest























