Gilas bumabagsik na

MANILA, Philippines — Unti-unti nang lumalabas ang bangis ng Gilas Pilipinas ilang araw matapos ang kanilang training camp.
Kaya naman masaya si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa progreso ng training camp ng kanyang bataan para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Nakukuha na ng Gilas ang chemistry kaya’t maganda ang resulta ng kanilang unang friendly game matapos ilampaso ang Manawatu Jets, 92-61.
Isa sa mga puntong tinukoy ni Cone ang solidong opensa ng kanyang tropa na inaasahang magtutuluy-tuloy sa kanilang laban sa qualifiers.
Matikas ang ipinamalas ng Gilas Pilipinas sa kabila ng hindi paglalaro ni naturalized player Justin Brownlee.
Nagpasya si Cone na hindi palaruin si Brownlee upang makapagpahinga ito para sa mas importanteng laban ng Gilas.
Sa pagkawala ni Brownlee sa lineup, umangat ang laro ng iba pang miyembro ng Gilas.
Balanse ang atake ng tropa.
“We had balanced scoring without Justin in the lineup,” ani Cone.
Nagawa ito ng Gilas Pilipinas sa kabila ng pagod sa training kasabay pa ng pagod sa biyahe.
Mula Brisbane, Australia kung saan ginanap ang ilang training sessions, tumulak ang Gilas Pilipinas sa Wellington, New Zealand para sa kanilang unang friendly match.
Pagod man sa biyahe at training, hindi nakitaan ni Cone ng pagrereklamo ang sinumang miyembro ng Gilas Pilipinas.
Sunod na makakalaban ng Gilas Pilipinas ang Franklin Bulls ngayong araw para sa final tuneup nito bago ang qualifiers.
Matapos ang tuneup games, sesentro na ang Gilas sa laban nito kontra sa New Zealand sa Hulyo 3 na gaganapin sa Auckland kasunod ang Australia na idaraos naman sa Hulyo 6 sa Perth, Australia.
- Latest



















