La Salle trio out muna sa AVC Women’s Cup
MANILA, Philippines — Hindi maglalaro ang tatlong ace spikers ng De La Salle University na sina Angel Canino, Shevana Laput at Amie Provido sa 2026 AVC Women’s Cup na gaganapin sa Candon City sa Ilocos Sur mula Hunyo 6 hanggang 14.
Nagpasya sina Canino, Laput at Provido na hindi muna magpartisipa sa Alas Pilipinas dahil galing ang mga ito sa kampanya sa katatapos na UAAP Season 88 women’s volleyball tournament.
Matagumpay na naibalik ng Lady Spikers ang korona sa kanilang teritoryo matapos makumpleto ang 16-0 sweep kabilang ang pagwalis sa dating kampeong National University sa best-of-three championship series.
Nais ng tatlo na makapagpahinga muna dahil sa pukpukang ensayo at labang pinagdaanan nito sa UAAP Season 88.
Nagpost si Canino sa social media kung saan sinabi nitong malaking karangalan ang maimbitahan para maging bahagi ng national team at maging kinatawan ng bansa sa international tournaments.
“To be invited to the National Team training pool is a privilege I never take for granted, and playing for the Philippine flag is the highest honor,” ani Canino.
Ngunit nais muna nina Canino, Laput at Provido na makarekober dahil hindi rin biro ang pinagdaanan nito sa nakalipas na mga buwan.
“However, coming off the high intensity of UAAP Season 88, Amie, Shevana, and I have decided to prioritize our physical recovery. We first need to let our bodies heal and reset so that we can give our best to the game,” dagdag ni Canino.
Malaking dagok ang pagliban nina Canino, Laput at Provido dahil hindi rin maglalaro sina veteran playmaker Jia Morado at outside hitter Bella Belen.
Hindi rin maglalaro sina opposite spiker Alyssa Solomon, UAAP Season 88 MVP Shaina Nitura, setter Mars Alba at libero Justine Jazareno.
- Latest






















