Shulchenko hari ng padyakan!

BAGUIO CITY, Philippines — Kagaya ng inaasahan, inangkin ni Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle ang korona ng MPTC Tour of Luzon 2026, habang pinagharian ni Antoine Huby ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines ang 177.8-kilometer Stage 14 kahapon dito Camp John Hay.
Nagsumite ang Russian rider ng 41 oras, 11 minuto at 10 segundo sa Individual General Classification para ibulsa ang premyong P1 milyon sa opisyal na pagtatapos ng 14-stage, 1,821.1km race.
“I’m very happy that I won this race. It’s very hot and very difficult,” sabi ng 26-anyos na si Shulchenko na nagsimulang isuot ang yellow jersey mula sa New Clark City-Palayan City Stage 3.
Tinalo ng LCW UAE Cycle cyclist sina Huby (-0:01:34), Stage One king Yousef Ibrahiem Alrefai ng LCW-UAE (-0:06:45), Nash Lim ng MPTD (-0:09:13), Ronnilan Quita ng 7-Eleven (-0:10:34), Muhammad Syawal Mazlin ng Malaysia National Team (-0:11:01), Mervin Corpuz ng 7-Eleven (-0:11:48), Rustom Lim ng MPTD (-0:1:04), Jung Woo Ho ng Seoul Cycling Team (-0:16:26) at Rench Michael Bondoc ng Go for Gold (-0:16:41).
Tumapos si 2025 edition champion Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team sa No. 46 spot sa kanyang 49:01 minutong agwat kay Shulchenko.
Nagsumite naman si Huby ng bilis na 4:26:42 para dominahin ang Stage 14 at idagdag sa mga nauna niyang panalo sa Stage 10 at 12.
Inunahan ng French rider sa finish line sina Shulchenko (-02:12) at Quita (-0:2:58).
“I’m happy to win the last stage, but I’m just tired to win the yellow jersey. I’m sure it was possible, but I know that I was tired to go faster. I did my best,” sabi ni Huby.
Bukod sa kanyang ikatlong lap win ay nakamit rin ni Huby ang polka dots at green jerseys.
Samantala, hinirang na team overall champion ang 7-Eleven sa itinalang 162:25:49 para ibulsa ang premyong P2 milyon.
Inungusan ng 7-Eleven ang Go for Gold (-0:18:27) at LCW-UAE Cycle (-0:19:39).
- Latest






















