Tropang 5G nahirapan sa Macau Black Knights

MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang TNT Tropang 5G bago matakasan ang guest team Macau, 119-112, sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Anim na mahalagang free throws ang ipinasok ni Jordan Heading sa dulo ng fourth quarter para sa bounce back win ng Tropang 5G at pagandahin ang kartada sa 6-3.
Nadiskaril naman ang asam na back-to-back wins ng Black Knights para sa kanilang 1-8 baraha.
Humakot si 7-foot-3 import Bol Bol ng 37 points, 14 rebounds at 6 blocks para banderahan ang TNT, habang may 20 markers si Heading.
Nagdagdag si Brandon Ganuelas-Rosser ng 17 points at may 16 markers, 10 boards at 4 assists si Calvin Oftana para sa tropa ni coach Chot Reyes.
“We just kept reminding the guys during the huddles, during timeouts, even when they were making runs to just grind it out, grind it out and I think in the end that’s what happened,” sabi ni Reyes.
Nakadikit ang Macau sa 112-113 sa huling 26 segundo sa fourth quarter matapos ang drive ni point guard Damian Chongqui.
Ang dalawang free throws ni Heading ang naglayo sa Tropang 5G sa 115-112 sa nalalabing 23 segundo kasunod ang mintis na four-point attempt ni Chongqui sa posesyon ng Black Knights.
Muling nagsalpak ng dalawang foul shots si Heading na nagbigay sa TNT ng 117-112 bentahe sa huling 14 segundo.
Ang dalawang charities ni Heading sa natitirang limang segundo ang sumelyo sa kanilang panalo.
Samantala, hinugot ng Converge si dating Phoenix import Donovan Smith para palitan si Kylor Kelley at buhayin ang kanilang tsansa sa quarterfinals.
Sa 97-92 panalo ng FiberXers (3-6) sa Tropang 5G noong Miyerkules ay umiskor lamang si Kelley ng apat na puntos bukod sa siyam na rebounds.
- Latest



















