Burton ipaparada ng NLEX kontra Macau

MANILA, Philippines — Isasalang ng NLEX si bagong import Deonte Burton sa kanilang pagsagupa sa guest team Macau sa pagbabalik ngayon ng Season 50 PBA Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Magtutuos ang Road Warriors at Giant Pandas sa alas-5:15 ng hapon kasunod ang bakbakan ng nagdedepensang TNT Tropang 5G at Terrafirma Dyip sa alas-7:30 ng gabi.
Tabla sa itaas ng Group A ang NLEX at San Miguel sa pareho nilang 7-2 baraha kasunod ang Converge (5-4), TNT (4-4), Terrafirma (3-5), Macau (2-6) at Titan Ultra (2-7).
Bumabandera sa Group B ang Rain or Shine na may 4-2 marka sa itaas ng Magnolia (4-3), Phoenix (4-3), Blackwater (3-3), Meralco (3-5) at Barangay Ginebra (2-4).
Ang 6-foot-4 na si Burton ang sasalo sa naiwang trabaho ni DeQuan Jones na nagkaroon ng leg injury noong Agosto bago ang mahabang PBA break para sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa fourth window ng 2027 FIBA World Cup Qualifiers at sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
“As great of a basketball player as DB is, I think he’s just as good of a person,” ani Road Warriors coach Jimmy Alapag kay Burton. “I think he’ll give us a great chance in the second half of the conference.”
Nakasama ni Alapag si Burton sa Sacramento Kings sa NBA at sa Stockton Kings sa G-League kung saan tumayong assistant coach ang Gilas Pilipinas at PBA legend.
Magpaparada rin ng bagong reinforcement ang Giant Pandas sa katauhan ni Oscar Lopez bilang kapalit ni De’Vondre Perry.
Ang 6’4 ding si Lopez ay naglaro bilang naturalized player ng Cambodia laban sa Gilas Pilipinas sa 2023 Southeast Asian Games sa Thailand.
Samantala, ibibida ng Tropang 5G si Nick Hornsby kapalit ni Rahlir Hollis-Jefferson sa pagharap nila sa Dyip.
Si Hornsby ay sumalang para sa Hangtuah Jakarta team sa Indonesian Basketball League.
- Latest























