Heavy Bombers umeskapo sa Chiefs
MANILA, Philippines — Umahon ang Jose Rizal University mula sa isang 14-point deficit para pasabugin ang Arellano University, 64-62, sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Tumikada si Laurence Mangubat ng 14 points bukod sa siyam na rebounds, tatlong steals at dalawang assists para tulungan ang Heavy Bombers na ilista ang 4-1 karta at masolo ang liderato.
“Grabe adjustments na ginawa ko kasi sobrang higpit ng depensa na binibigay sa akin,” sabi ni Mangubat. “Naniwala lang kami sa system ni coach Nani (Epondulan). Thankful din ako kasi hindi kami mananalo kung wala ang mga teammates ko.”
Kumalas ang Chiefs sa pagkakapit ng Heavy Bombers sa second quarter upang hawakan ang 11-point lead, 42-31, sa halftime.
Nagpakita ng tatag ang JRU sa third period pero lamang pa rin ang Arellano ng apat na puntos, 49-53, papasok ng fourth quarter.
Nasa unahan pa rin Chiefs sa 57-71 may anim na minuto pa sa payoff period.
Naibaba ng Heavy Bombers sa apat na puntos ang hinahabol, 58-62, at lalo pang dumikit nang pumukol ng tres si Mangubat, 61-62, may 19 segundo na lang ang natitira sa orasan.
Ipinakita ng JRU ang kanilang determinasyon matapos magsalpak ng tatlong free-throw para maagaw ang 64-62 bentahe sa huling 4.8 segundo.
Bumato ng tres si Basty Valencia, pero nagmintis ito at naubos na ang oras para sa Arellano.
Sa ikalawang laro, tinakasan ng Mapua Cardinals ang Emilio Aguinaldo College Generals sa overtime, 89-84.
- Latest




















