Yulo sasalang naman sa World Championships

MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ni Paris Olympics double-gold medalist Carlos Yulo sa prestihiyosong 2026 World Championships na gaganapin sa Oktubre 17 hanggang 25 sa Rotterdam, Netherlands.
Sariwa pa si Yulo sa matamis na kampanya sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan kung saan nakasungkit ito ng dalawang gintong medalya para pamunuan ang kampanya ng Team Philippines sa naturang quadrennial meet.
Pinagharian ni Yulo ang kaniyang paboritong events na men’s floor exercise at vault — ang parehong events kung saan ito nakasikwat ng ginto sa Paris Olympics.
Matapos ang Asian Games, agad na tumulak sa Maynila si Yulo upang ipagdiwang ang kaniyang tagumpay kasabay ng announcement ng kaniyang engagement sa kasintahang si Chloe San Jose.
May ilang guestings din si Yulo sa telebisyon kabilang na ang Unahang Hirit kasama ang kaniyang kapatid na si Karl Eldrew na nakatanso sa Asian Games.
Dumalo rin si Yulo sa welcome dinner para sa Team Philippines sa Century Park Hotel sa Maynila upang makasama ang delegasyon sa selebrasyon noong Lunes.
Matapos ang lahat ng kaniyang aktibidad ay balik-ensayo na si Yulo para paghandaan ang pagsabak nito sa World Championships.
Nakatakdang tumulak pa-Netherlands ang national gymnastics team sa susunod na linggo para doon ipagpatuloy ang paghahanda.
“I’m always happy to take these challenges sa buhay ko. It’s not gonna be always smooth, it’s not gonna be always patag ‘yung daan,” ani Yulo.
Hindi naman na bago si Yulo sa World Championships dahil tatlong beses na itong nagkampeon sa naturang event.
Una na sa floor exercise noong 2019 at sa vault noong 2021 at 2025.
Nais ni Yulo na gamitin ang World Championships upang ma-scout ang kaniyang mga makakalaban.
- Latest






















