Akari dumikit sa top 4

MANILA, Philippines — Hinataw ng Akari ang pang-limang sunod na panalo matapos pabagsakin ang Galeries Tower, 25-23, 25-23, 14-25, 26-24, sa 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Santa Rosa Sports Complex sa Laguna.
Humataw si Ced Domingo ng 14 points para sa 5-3 baraha ng Chargers habang may 13 at 12 markers sina Fifi Sharma at Eli Soyud, ayon sa pagkakasunod.
Tumipa ng 27 excellent sets si setter Mars Alba at may 15 digs si libero Justine Jazareno para palakasin ang tsansa sa Qualifying Round.
“Buti nairaos namin nang maayos and then of course, iyong recovery hindi pa enough from the previous game,” wika ni coach Tina Salak na nakahugot din kay Ivy Lacsina ng pitong puntos.
Isang panalo pa ang kailangan ng tropa ni Salak para opisyal na makapasok sa Top Four.
Laglag ang Highrisers sa ikaapat na dikit na kabiguan para sa 2-6 marka.
Matapos kunin ng Akari ang first at second set ay naagaw ng Galeries Tower ang third frame, 25-14, mula sa pagbibida nina Aiza Maizo-Pontillas, Erika Raagas, Jean Asis at Erika Deloria.
“Nagkaproblema kami sa energy simula sa first set pa lang kasi parang ang lamya namin,” ani Grethcel Soltones na nag-ambag ng walong marka para sa Akari. “Iyon ang medyo babaguhin namin na dapat kahit sino iyong nasa loob dapat iangat agad iyong energy.”
Ito ang ginawa ng Chargers sa pagtatala ng 14-8 bentahe sa fourth set bago nakatabla ang Highrisers sa 24-24 mula sa service ace ni Raagas.
Ang service error ni Raagas ang nagbigay sa Akari ng match point kasunod ang crosscourt hit ni Soyud para tapusin ang Galeries Tower.
Pinamunuan ni Maizo-Pontillas ang Highrisers sa kanyang 17 points at may 14, 13 at 10 markers sina Raagas, Asis at Deloria, ayon sa pagkakasunod.
- Latest






















