Back-to-back wins ikinonekta ng PLDT sa Isabela

MANILA, Philippines — Kumonekta ang PLDT sa ikalawang sunod na panalo matapos walisin ang minamalas na ZUS Coffee, 25-18, 25-20, 25-16, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series kahapon sa Santiago Sports Arena sa City of Santiago, Isabela.
Bumanat si Fil-Canadian Savi Davison ng 13 points mula sa 12 attacks at isang block para sa 2-2 record ng High Speed Hitters.
Nagdagdag si Kim Kianna Dy ng walong puntos at may tig-anim na marka sina Dell Palomata at Jessa Ordiales.
Sinimulan ng tropa ni coach Rald Ricafort ang torneo sa 0-2 marka para sosyohan ang Farm Fresh Foxies at Akari Chargers sa third spot.
Laglag ang Thunderbelles sa ikaapat na dikit na kamalasan.
Aminado si Davison na nahirapan ang PLDT sa net defense ng ZUS Coffee.
“ZUS Coffee had very good athletes in the middle of the court, and it’s our job to work around it,” ani Davison. “So I’m glad that we kind of set it up properly and that we came out strong and, you know, we came up to the challenge.”
Matapos makadikit ang Thunderbelles sa 18-19 sa first period ay inangkin ng High Speed Hitters ang sumunod na anim na laro para sa 25-18 panalo.
Sinandalan ng ZUS Coffee si Jovelyn Gonzaga para 17-22 paglapit sa second frame.
Apat na sunod na puntos ang iniskor ng 28-anyos na si Davison, kasama ang isang crosscourt kill para sa 2-0 bentahe ng PLDT.
Tuluyan nang nagdomina ang High Speed Hitters sa third set para tapusin ang Thunderbelles sa loob ng isang oras at 16 minuto.
- Latest

















