Laure naka-recover na sa injury

MANILA, Philippines — Bukod sa pagrekober sa kanyang abdominal at minor leg injury ay kasalukuyan pa ring nag-a-adjust si Eya Laure sa sistema ng Choco Mucho sa kanilang kampanya sa 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Matapos mawala ng dalawang laro ay bumalik sa aksyon si Laure at pumalo ng 18 points mula sa 14 attacks, dalawang service aces at dalawang blocks sa 26-24, 20-25, 22-25, 25-13, 15-12 panalo ng Flying Titans sa Galeries Tower Highrisers noong Huwebes.
“Talagang binigyan din ako ng mga coaches and ng management to recover,” sabi ng 28-anyos na star spiker. “Malaking bagay na nakapagpahinga din ako para makalaro ulit.”
Sa bisperas ng Bagong Taon ay inihayag ng Choco Mucho ang opisyal na paglalaro ni Laure sa kanilang tropa.
Tinulungan ng dating UST Golden Tigresses star ang Flying Titans sa 25-17, 25-23, 25-20 pagwalis sa Akari Chargers sa pagbubukas ng torneo noong Enero 31 bago nagkaroon ng abdominal injury sa kanilang 25-27, 25-17, 21-25, 15-25 kabiguan sa Creamline Cool Smashers noong Pebrero 10.
“For the past few days, parang kakabalik ko lang din talaga sa bola,” ani Laure. “Parang three days ago lang. Tapos ‘yung bola ko pa is not talaga ‘yung buong bola.”
Patuloy din ang adjustment ni Laure sa sistema ni Choco Mucho coach Dante Alinsunurin.
Nakatakdang labanan ng Choco Mucho (2-3) ang Nxled (3-2) bukas sa FilOil Centre sa San Juan City.
- Latest



















