Pinalakas na Gilas lineup ipaparada

Sa fifth window ng FIBA World Cup Asian qualifiers
MANILA, Philippines — Matapos ang tatlong taon ay magpaparada ng bagong naturalized player ang Gilas Pilipinas sa katauhan ni Bennie Boatwright upang banderahan ang koponan sa krusyal na Window 5 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Seremban, Malaysia sa Nobyembre 27 hanggang 29.
Inanunsyo kahapon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang opisyal na 12-man roster sa pangunguna ng 30-anyos na Filipino-American bilang kapalit ng resident import na si Justin Brownlee na umiinda ng maraming injuries kabilang na ang problema sa puso.
Noong Agosto pa naaprubahan sa Kongreso at naging ganap na batas ang kanyang naturalization (Republic Act. 12323) subalit hindi umabot ang kanyang mga dokumento kabilang na ang passport para sa Window 4 ng Asian Qualifiers at sa Asian Games.
Dahil wala pa si Brownlee, napilitan ang Gilas na maglaro ng All-Filipino sa parehong torneo na nagresulta sa magkaibang kapalaran.
Wagi ang Gilas sa Window 4, 2-0, kontra Jordan at Iran, habang bigong madepensahanan ang korona sa Asian Games nang malaglag agad sa group play.
Nanumpa na bilang ganap na Pinoy si Boatwright at nakuha na ang kanyang passport noong nakaraang buwan kaya handang magpasiklab para sa Nationals matapos maging champion import ng San Miguel sa PBA noong 2024.
Makakasama ni Boatwright ang balik-Gilas na sina Rhenz Abando, Mike Phillips at Quentin Millora-Brown upang punan ang puwesto nina Carl Tamayo, Calvin Oftana pati na si June Mar Fajardo.
May iniinda pang injury si Tamayo, nagpaalam si Oftana na hindi muna sasali dahil sa inaasahang panganganak ng kanyang misis ngayong buwan habang nagretiro na sa Gilas si Fajardo noong Window 4.
Swak din sa Gilas ang mga core players ni head coach Tim Cone na sina Kai Sotto, AJ Edu, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Scottie Thompson, CJ Perez, Juan Gomez De Liaño at CJ Perez.
May 4-4 kartada ang Gilas sa Group E ng Asian Qualifiers sa ikalimang puwesto at kailangang manalo kontra sa Syria sa Nobyembre 27 at Iran sa Nobyembre 29 upang makahabol sa Top 3 na siya lamang papasok sa World Cup sa Qatar.
Swak din sa World Cup ang best Top-4 team ng parehong grupo kasama ang Group F na siya ring asinta ng Gilas.
- Latest


















